Meron lang talagang panahon na may mga bagay na kailangang mawala sa buhay mo. Posibleng pansamantala lang o pangmatagalan na. Nakakatakot ba? Hahaha. Naaalala mo ba ngayon yung mga bagay o tao na nawala sa buhay mo? Mahahalagang bagay na hindi ganun kamahal pero may halaga sa puso mo na walang halaga sa mata ng iba. Mahahalagang tao sa buhay mo, kadugo mo man o hindi. Ngayong naaalala mo na yung mga bagay o taong yon, naiisip mo ba yung mga possible o totoong dahilan ng pagkawala nito? Maaaring sobra kang napalapit, nagkulang ka, napabayaan mo o nagkamali ka ng pinagkatiwalaan ng tao sa paglaan ng bagay na iyon.
Naaalala ko yung isang beses na nawala ko yung baho (bass guitar) ko. Madalas kong iniiwan sa simbahan yung baho ko (O diba, kitang-kita na masyado akong magpagkatiwala) dahil nahihirapan akong ibyahe siya linggo-linggo para sa ensayo. Isang araw, pagdating ko sa simbahan, pumasok ako sa silid kung saan ko palagi iniiwan yung baho ko, pagtingin ko, wala na yung baho ko! Akala ko inuwi ko pala siya sa bahay pero hindi! (Pasensya na, pero aaminin ko na bata palang ako ulyanin na ako) Nag-aalala at kinakabahan na ako kasi nandun yung mga cable ko na pinaghirapan kong pag-ipunan, pranela, mga baon na strings at strap. Naiiyak na ako sa lungkot kasi kaisa-isang baho ko lang iyon at mahal na mahal ko ‘yon. Kulay itim ang baho ko, itim lahat at may neon DR strings. Sinabi ng kaibigan ko na pahihiramin niya ako ng isa sa mga baho niya pangsamantala habang hindi ko pa Makita yung akin, sabi ko hindi na, mag-iipon nalang ako. Habang umiiyak ako lumapit siya, binigyan niya ako ng keychain na itim na gitara, naiyak ako lalo kasi namimiss ko na yung baho ko. Pagkatapos, may lumapit sa akin sabay sabi na nahanap na nila ang baho ko! Dinala nila sa loob ng silid, pagpasok ko nakita ko yung kaha ng gitara ko at nandoon siya sa loob! Walang tama o gasgas! Grabe, nakahinga ako ng maluwag doon kasi akala ko hinding-hindi na ito babalik sa akin. Tinrato kong tao ang baho ko, nililinisan ko siya, pinupunasan at inaalagaan.
Alam kong maiintindihan ako ng mga kaibigan ko kasi lahat sila musikero! Pero kung hindi ka naman tumutugtog, malulungkot ka pero hindi mo mararamdaman yung nararamdaman ko. Diba? Nakita ko yung pagkakamali ko pagkatapos ko Makita uli yung baho ko, masyado akong nagtiwala sa sarili ko na hindi siya mawawala kapag iiwan ko lang siya, napabayaan ko din siya dahil palagi ko siyang iniiwan. Naisip ko, kung tao yung baho ko, hindi kami magiging matalik kung palagi ko siyang iniiwan at masakit iyon.
Hindi lang bagay ang nawawala sa buhay natin, tao din. Nawalan na ako ng mahal sa buhay. At hindi purket nawala, pumanaw na. Naiintindihan mo? Dapat maintinidihan mo. Yung taong nawala sa’yo eh yung taong nakakausap mo sa telepono sa gitna ng gabi na bumabagyo, kausap mo hanggang alas-singko ng umaga, nagagalit sa’yo pagnapapabayaan mo sarili mo, sinasabihan mo ng kung anong bagay na tumatakbo sa isip mo, mala-kabute ang pagsulpot o kasing bilis ni Flash ang pagsagi sa isip mo. Maaaring mawala ang tao, pero ang nararamdaman mo para sakanya ay hindi mawawala. Oh diba? May mga bagay o tao sa buhay natin na mawawala ng ilang minuto, oras, araw, buwan o taon sa buhay natin pero sinisiguro kong babalik at babalik sa atin iyon. Hanggang may tiwala ka na babalik iyon, babalik iyon. Parang baho ko lang yon, humagulgul ka sa kaiiyak dahil nawala, pero paglingon mo, nandyan na’t hinihintay ka na.
Ano, may mga naaalala ka na ba?
No comments:
Post a Comment