Tuesday, May 15, 2012

Luha


Naaalala mo ba yung huling beses na umiyak o lumuha ka? Ano ang dahilan nito? Masaya ba ito, malungkot, nakakainis, nakakatawa o ano? Madaming dahilan ang pagluha ng isang tao. Maaaring lumuha ka kasi nasugatan ka, naluha ka sa saya, sa sakit ng tyan mo, sa sobrang kati ng isang parte ng katawan mo pero hindi mo pwede kamutin kasi magsusugat, kapag may naaalala kang magandang alaala kasama ang isang matalik na kaibigan at marami pang iba. Madami. Sobrang dami. Posibleng hindi ko maiisip ang iba pero naiisip mo ngayon habang binabasa mo ito. Yung iniisip mo ba ngayon eh magandang alaala ba yan? O masamang alaala pero tinatawanan mo nalang ngayon kasi bata ka pa noon? Maraming beses na ako umiyak dahil nawalan ako ng mahal sa buhay. Nawalan ako ng pera (oo, mahirap mag-ipon), ng kapatid, ng aso, ng paboritong damit, at marami pang iba. Maaaring walang halaga sa’yo yung mga iba kong binanggit, pero sobrang mahalaga iyon sa akin tuwing naaalala ko. Pero naisip mo ba na yung mga bagay na iniyakan mo eh ang magbibigay ng lakas sa’yo para harapin ang bukas?

Masakit mawalan ng kapatid na babae, lalo na kung yung isa nasa malayo, yung isa wala na tapos may dalawa kang kapatid na lalake (Oo ako yun.) Kasi walang makakaintindi sa’yo kapag gusto mo ng girl talk tapos wala pa palagi nanay mo kasi madaming ginagawa sa trabaho. Natutuwa nga ako na madami akong ate ngayon eh. Mga ate ko sa Diyos. Sobrang marami akong natutunan sakanila, tungkol man yan sa anime o sa buhay. Sila Ate Ardee, Hannah, Micah, Yanee, Jabba, Ria, at Anna (kasama narin si Macky at si Chino, ang Ghost Sisters ng buhay ko). Ang sarap tumawa pagkasama mo sila. Parang walang bukas, makakalimutan mo ang realidad mo bilang estudyante o bilang empleyado ng isang malaking kompanya. Ang sarap nilang kausapin kasi gugustuhin at gugustuhin mo rin malaman kung ano ang mga iniisip nila, seryoso man yan o nakakatawa. Nawalan ako ng isang ate, pero pito (7) o higit pa ang dumating. Lumuluha parin ako hanggang ngayon, pero lumuluha na ako sa saya. O diba? Hindi mo gugustuhing maging normal pagkasama sila kasi ikaw mismo mababaliw kung bakit normal. Hahaha. Masarap mag girl talk kasama sila. Pramis. Hindi mo gugustuhing umuwi na hindi sila kasama.

Nawalan ako ng aso, Shih Tzu, lalake. Umiyak kami pareho ng kuya ko kasi may sakit siya. Inalagaan lang namin siya at dinadala sa Animal House sa Alabang para magmaintain ng gamut o anuman na kailangan niya. Nakakalungkot mawalan ng aso lalo na kung cute at malambing. Eh ngayon nga e, may mga aso kami ngayon. Oo, mga. Dalawa sila. Isang Labrador na itim (lalake) at isang walang kamatayang Shih Tzu na babae. San ka pa, di lang aso meron kami, ibon din. Love birds at tatlong pares ang nandito sa bahay! May tore na nga kami ng angry birds dito e. Tatlo na kulungan namin ng mga ibon dito sa bahay. Baboy na nga lang ang kulang para Angry Birds na e. O diba,  luluha nalang ako sa saya kasi pagtitripan  nalang namin yung mga alaga namin sa bahay kasama ko.

Kung iisipin mo, masakit nga mawalan pero nakakapagod lumuha ha? Hindi biro ang umiyak. Nakakapagod kaya humagulgul tapos pagkatapos mo umiyak magang maga mata mo. O diba pagharap mo sa salamin parang gusto mo tawanan sarili mo kasi bakit ka umiyak at dahil umiyak ka magang maga mata mo. Pero ang gusto ko para sa’yo (sige na nga, para narin sa akin), yang mga luha na papatak galing sa mga magaganda mong mata (Oo, maganda mga mata mo) eh maging luha ng kasiyahan. Eh kung luluha ka sa saya eh isama mo narin ang sakit ng tyan kasi magkasama talaga yan kapag humahalakhak ka sa tawa tapos maiiyak ka sa saya eh sasakit narin ang tyan mo tapos hindi ka pa makakahinga (Maghanda ka narin ng inhaler kung may hika ka). Pero oo, hindi natin mapipigilang lumuha sa sakit, parte ng buhay yan e. Pero tandaan mo palagi na may kaibigan kang handa kang patawanin, may luha man o wala. Sa mga kaibigan mo lang mahahanap ang tunay na kasiyahan, luha ng kasiyahan.

Kaya tignan mo, ganito na ako kasaya ngayon... :D :D :D






Eh ikaw, kalian nga ba ang huling beses na umiyak ka sa kakatawa?

May Dahilan ang Lahat


Meron lang talagang panahon na may mga bagay na kailangang mawala sa buhay mo. Posibleng pansamantala lang o pangmatagalan na. Nakakatakot ba? Hahaha. Naaalala mo ba ngayon yung mga bagay o tao na nawala sa buhay mo? Mahahalagang bagay na hindi ganun kamahal pero may halaga sa puso mo na walang halaga sa mata ng iba. Mahahalagang tao sa buhay mo, kadugo mo man o hindi. Ngayong naaalala mo na yung mga bagay o taong yon, naiisip mo ba yung mga possible o totoong dahilan ng pagkawala nito? Maaaring sobra kang napalapit, nagkulang ka, napabayaan mo o nagkamali ka ng pinagkatiwalaan ng tao sa paglaan ng bagay na iyon. 

Naaalala ko yung isang beses na nawala ko yung baho (bass guitar) ko. Madalas kong iniiwan sa simbahan yung baho ko (O diba, kitang-kita na masyado akong magpagkatiwala) dahil nahihirapan akong ibyahe siya linggo-linggo para sa ensayo. Isang araw, pagdating ko sa simbahan, pumasok ako sa silid kung saan ko palagi iniiwan yung baho ko, pagtingin ko, wala na yung baho ko! Akala ko inuwi ko pala siya sa bahay pero hindi! (Pasensya na, pero aaminin ko na bata palang ako ulyanin na ako) Nag-aalala at kinakabahan na ako kasi nandun yung mga cable ko na pinaghirapan kong pag-ipunan, pranela, mga baon na strings at strap. Naiiyak na ako sa lungkot kasi kaisa-isang baho ko lang iyon at mahal na mahal ko ‘yon. Kulay itim ang baho ko, itim lahat at may neon DR strings. Sinabi ng kaibigan ko na pahihiramin niya ako ng isa sa mga baho niya pangsamantala habang hindi ko pa Makita yung akin, sabi ko hindi na, mag-iipon nalang ako. Habang umiiyak ako lumapit siya, binigyan niya ako ng keychain na itim na gitara, naiyak ako lalo kasi namimiss ko na yung baho ko. Pagkatapos, may lumapit sa akin sabay sabi na nahanap na nila ang baho ko! Dinala nila sa loob ng silid, pagpasok ko nakita ko yung kaha ng gitara ko at nandoon siya sa loob! Walang tama o gasgas! Grabe, nakahinga ako ng maluwag doon kasi akala ko hinding-hindi na ito babalik sa akin. Tinrato kong tao ang baho ko, nililinisan ko siya, pinupunasan at inaalagaan.


Alam kong maiintindihan ako ng mga kaibigan ko kasi lahat sila musikero! Pero kung hindi ka naman tumutugtog, malulungkot ka pero hindi mo mararamdaman yung nararamdaman ko. Diba? Nakita ko yung pagkakamali ko pagkatapos ko Makita uli yung baho ko, masyado akong nagtiwala sa sarili ko na hindi siya mawawala kapag iiwan ko lang siya, napabayaan ko din siya dahil palagi ko siyang iniiwan. Naisip ko, kung tao yung baho ko, hindi kami magiging matalik kung palagi ko siyang iniiwan at masakit iyon.


Hindi lang bagay ang nawawala sa buhay natin, tao din. Nawalan na ako ng mahal sa buhay.  At hindi purket nawala, pumanaw na. Naiintindihan mo? Dapat maintinidihan mo. Yung taong nawala sa’yo eh yung taong nakakausap mo sa telepono sa gitna ng gabi na bumabagyo, kausap mo hanggang alas-singko ng umaga, nagagalit sa’yo pagnapapabayaan mo sarili mo, sinasabihan mo ng kung anong bagay na tumatakbo sa isip mo, mala-kabute ang pagsulpot o kasing bilis ni Flash ang pagsagi sa isip mo. Maaaring mawala ang tao, pero ang nararamdaman mo para sakanya ay hindi mawawala. Oh diba? May mga bagay o tao sa buhay natin na mawawala ng ilang minuto, oras, araw, buwan o taon sa buhay natin pero sinisiguro kong babalik at babalik sa atin iyon. Hanggang may tiwala ka na babalik iyon, babalik iyon.  Parang baho ko lang yon, humagulgul ka sa kaiiyak dahil nawala, pero paglingon mo, nandyan na’t hinihintay ka na.


Ano, may mga naaalala ka na ba?