Friday, November 19, 2010

Batok ng Katotohanan - Written on November 17, 2010

Ang ngayon ay narito na
Ang kahapon ay wala na
Ang bukas ay parating na

Masyadong nang nagpapakalunod sa nakaraan
At nakakalimutan na ang kasalukuyan
Unti-unting napapalayo sa kinabukasan
Ito'y huwag hayaan

Kaya bitawan na ang taling humahadlang
At ito'y ilagay na sa kahon ng paalam

Tibok ng puso'y napahinto
Mata'y biglang namugto
Ako'y binatukan ng katotohanan
At namulat ang puso't isipan

Huminga ng malalim
Dahan-dahan bumangon
Dahil hindi pa katapusan
Para muling abutin ang mga pangarap

Isang Yakap sa Taglamig - Written on November 16, 2010

Isang malamig na araw sa aking paggising
Hinahanap-hanap ang bagay na ito
Miski unan, sapin o kumot ay walang epekto

Ang dating tagtuyo ay naging tag-ulan
Ang nakaraang halo-halo
Ngayo'y naging mainit na tsokolate na may marshmallow
Ngunit isang bagay ang tanging inaasam-asam sa panahong ito
Walang iba ang makapagbibigay ng katumbas ng kasiyahan nito.

Isang mahigpit na yakap sa panahong ganito
Pasko o bagong taon ay lalampasan pa nito
Milo, lugaw o ginataang mais ay hindi na bibigyan ng pansin
Yakap mo'y wala ng ibang aatupagin 
At ako'y sigurado na ang tulog ko'y mahimbing
Lalo na kapag ikaw ay kapiling

Kahit tayo'y umabot sa sangkatalaan
Ang isa sa atin ay hindi lilisan
Isang mahabang ngiti ang iyong iniwan
Ating alaala'y laging babalik-balikan

Ang Iyong Superhero - Written on November 18, 2010

Isang text o tawag mo lang
Ako'y nariyan na
Basta ang Globe, Smart, o Sun ay walang problema
Kahit gamitin mo pa ang PLDT, Bayantel, o Digitel ni Karding
Ako ay makakadating..

Lahat ng mensahe ay matatanggap
Kahit saan ikaw ay aking mahahagilap
Sa iyong tulong na kinakailangan
Ako'y laging handa upang ika'y matulungan sa iyong pangangailangan

Ginagawa ang lahat ng makakaya
Upang ako'y umabot at magpakita
Pagod at hirap ay hindi naaksaya
Basta't makita kang masaya ay ayos na
Matulungan ka lamang, ako'y patuloy na magsisikap
Basta't mawala ang iyong paghihirap

Walang sinisingil na bayad
Sukli pa'y magbubulaga sa palad

Habang ako ang iyong Super Hero,
You won't get a zero


Akala ko kung nasaan na.. Nandyan lang pala.. - Written on October 12, 2010

Trabaho'y puno na ng paghihirap
Katawan ay pagod nang magsumikap
Mahaba pa ang araw
Tanghaling tapat pa lang
Ang sinag ay napakataas
Parang wala ng bukas

Pilit ikaw ang hinahanap
Hanap ng hanap ng hanap
Mata'y naduduling na
Nasaan ka na kaya?
O, sige na, magpakita ka na
Lahat ng kasulok-sulokan ng bubong ay nahalungkat na
Ikaw ang kalahati sa pares na nawawala
Kumabaga'y ikaw at ako ang nilalaman ng "tayo"
Ikaw ang kailangan sa katapusan ng paghihirap
Lalamunan ay nanunuyo na

O, baso, nasaan ka na?
Pitsel na may tubig ay nandito na
Bumabaha na ang lamesa dahil sa pawis ng pitsel.
Yelo ay natutunaw na sa init ng araw
Ay, nandyan ka lang pala.
Sa lamesa'y pagala-gala

Sugat, Galos at Peklat - Written on August 29, 2010

Sugat..Galos..Peklat..

Sigurado akong nagkaroon ka na ng mga ganyan.. Kahit ilan pa yan..Pero sa lahat ng mga naging galos o sugat mo.. Malamang merong pangyayari na nagkaganoon ka pero hindi mo alam kung saan mo nakuha yun.. Parang pag-ibig lang iyan..Ang saya-saya mo..Maya-maya lang ay may mararamdaman ka ng mahapdi.. Pagtingin mo, may galos ka na pala.. Hindi mo alam kung saan mo nakuha.. Tsaka mo nalang napansin dahil masakit o mahapdi na..

Di man natin bigyan masyado ng  pansin kung gaano kallalim o kababaw ang sugat o galos na ito, pero andun parin yung hapdi o sakit na pakiramdam.. Pagkatapos nating makita at maramdaman ang sugat o galos na iyon... Ito'y hihilom ng ilang araw o kaya ilang buwan.. Mawawala rin ang hapdi o sakit nito pero merong maiiwang marka o tinatawag nating peklat sa parte ng katawan na ito'y natamaan..O kaya'y peklat sa parte ng ating puso.. Maaaring tawanan nalang natin ito kapag ito'y ating binalik-balikan,At atin ay laging maaalala kapag tayo'y napatingin sa peklat na ito..Peklat man sa katawan.. O peklat sa ating puso..





Naaalala mo pa ba kung saan mo nakuha ang mga peklat na yan?

Larawan - Written on August 18, 2010

Ilang taon na ang nakaliipas...
Napahinto ang tibok ng puso at takbo ng mundo ng isang araw ay biglang nakita ang larawang ito..
Hindi alam ang gagawin..
Hindi alam ano'ng sasabihin..

Biglang naalala ang nakaraan.. 
Galaw ng oras ay huminto..Sarado  na ang pinto.. 

Puso'y napaisip..Biglang sabi ng puso ay.."Sana tayo nalang ang nasa larawang ito.." 

O kaya...
"Kahit naging masinsinan man lang sana ang huling pag-uusap.."

Wala ng magagawa pa..Dahil ito'y tapos na..
Ito'y nangyari na..

Ako ay binatukan ng katotohanan..
At sinabi sa sariling tanggapin na..Tanggapin nalang.. 
Tanggapin na ang nilalaman ng larawan...


Puting damit, belo, tungkos ng puting bulaklak, kurbatang itim, balat na sapatos.. Ito ang nilalaman ng larawang aking nakita..

Alaala'y tinangay na ng hangin..
Puso mo'y masaya na sa kanyang piling..

Sa kabila ng lahat...
Ang mga puno'y patuloy sa pagsayaw..Ang mga ibon ay patuloy lang sa pagkanta..
At ang araw ay patuloy ang pagsikat.. 
Heto ako,  patuloy ang paglakbay sa buhay..
Patuloy ang paghanap ng masasayang kulay..





Berde, Dilaw, Pula

Nung nakita mo yung pamagat nito, ano ang naisip mo? Jamaican colors, traffic light, pasko? O siguro naisip mo nagkamali ako sa color wheel... Kung Jamaican colors man ang naisip mo, siguro nakikinig ka sa mga kanta ni Bob Marley o sadyang paborito mo lang talaga ang mga kulay na yan.. Kung trapik light ang una mong naisip... Meron akong ipapamahagi sa'yo sa nakita ko sa trapik light na yan..

Ang mga halaga o ibig sabihin ng mga kulay na yan sa traffic light ay mismong pareho din ang ibig sabihin sa daloy o sa pagtakbo ng ating buhay.. Naiinip na tayo kakahintay.. Naubos na ang pasensya.. Masakit na ang pwet sa kakaupo ng matagal.. Dahil nagmamadali tayo makarating sa gusto o kailangan nating puntahan.. Pareho din sa kung nasa anong sitwasyon tayo ngayon.. Meron tayong gusto makuha.. Meron tayong gustong marating.. Meron tayong gustong mapuntahan.. Pero hindi pa oras ng "Go.".. Baka kailangan muna nating mag"Slow down".. O mag"Stop" at mag-isip kung tama pa ba itong mga ginagawa natin para maabot ito..

Hindi lang dapat sa traffic light maging sensitibo, kailangan din nating maging sensitibo sa mga karatula o senyas na ating nakikita sa mga bawat lugar na ating napupuntahan... O sa bawat sitwasyong ating nararanasan..


"No parking."
"Please don't block the driveway."
"Beware of dogs."
"Bawal tumawid. Nakamamatay."

O kahit ang simpleng "STOP" sign sa kalye o kanto na nadadaanan natin araw-araw. May STOP sign nga, eh madalang naman dumaan ang mga sasakyan.. Kahit minsan naiisip natin na parang wala namang kwenta yung sign na iyon sa ganitong lugar (baka ako lang nakakaisip noon), di parin natin alam kung ano ang pwede o posibleng mangyayari kapag hindi natin sinunod 'to.. Kailangan lang nating mag-ingat at sumunod. Sa pag-ubos ng pasensya, nagagawa na nating gawin ay "Beat the red light." o imbes na ang dilaw ay "Slow down", ginagawa na nating "Go faster."..

Mahirap nang magsisi sa huli. Pero, alam nating lahat ng tao ay natututo sa mga pagkakamali. Sa hirap ng pagdanas mo sa "trapik" ng buhay mo, sana maisipan mong tawagin ang isang tinderong nagbebenta ng mga panglamig, bumili ka na muna.. Magpalamig ka ng ulo.. O kumain ka muna ng mga chichirya ni manong.. At pagkatapos noon, huminga ng malalim at tahakin ang daanang iyon. 'Wag ka mag-alala, may kasama tayong Traffic Enforcer. Siya ang maggagabay sa'yo kung saan at kelan ka aabante, o liliko.. Sa lugar ng dapat mong puntahan..






Handa ka na bang maglakbay?

Malamig na, May naiisip ka na ba?

Nilalamig ka ba? Ako, oo. Ano una mong naiisip kapag nilalamig ka?  Uminom ng kahit na anumang mainit?
Lugaw, sopas, champorado, sinigang na baboy.. Lalo na kung bagong luto pa lang? Humiga at magkumot? O kaya.. Iniisip mo na sana kayakap mo yung mahal mo o yung gusto mong makasama?

Alam kong nakakatawa isipin, pero, hindi talaga natin maiiwasang isipin iyon. Oo, cheesy, pero sa kaloob-looban.. Kinikilig ka.. Ayan na ang "Yikee!" at "Hay.. Sana..." na pakiramdam. Kung hindi tao, eh di paborito mong laruan o kaya mga alaga mong aso, o kaya pusa kung meron ka man. Gusto mo silang yakapin diba? Yakapin ng mahigpit. Yung tipong hindi na sila makakahinga. (Kung humihingang nilalang ang niyayakap mo.) Ramdamin ang kanilang makapal na balahibo. Lubusin ang oras o panahon na yakap mo ito.

Ayun oh, napangiti ka ba? Kung hindi, eh di hindi. Wala na akong magagawa doon. Ngayong oras na ginagawa ko ito, naghahanap ako ng pwedeng yakapin. Kahit anong malambot o mataba at hindi pwedeng pakawalan. Wag lang tingting o kawayan.

Oh ano, nakaisip ka na ba ng gusto mong gawin ngayong malamig na ang panahon?

Walang Pamagat

Ilang segundo, oras, araw, linggo, buwan, at taon ang nakalipas.
Ngayon mo lang natuklasang masaya ka na kasama siya.
Hinahanap hanap mo ang anyo niya sa tuwing wala siya sa paligid mo.
Masaya ka kapag nandyan siya.
Masaya ka kapag kapiling mo siya.

Ngunit merong tinatawag na "linya" kung saan hanggang dito lang ang pwede niyong abutin o tahakin.
Kung hindi niyo masusunod iyon, ay pwedeng malaking gulo ang hantungin.
Walang masama sa pagiging masaya, kailangan mo lang alamin kung hanggang saan lang ang makakaya.

Dadating ang oras na kailangang mong mamili.
Pwedeng magkamali ka sa pagpili pero ikinasaya mo ang mga sandaling iyon.
Pwedeng tama ang pinili mo pero magiging masakit ang mga pagdadaanan mo.

Dadating ang oras na ika'y matatahimik na lamang.
Huminto sa iyong ginagawa.
Umupo.
Mag-isip.
At gumawa ng kilos para pumili kung ano ang dapat gawin.

Maaaring masaya ka ngayon, pero basag na basag ang puso mo sa huli..
Maaaring masasaktan ka sa ngayon, pero liligaya ka sa huli..


Kailangan mo lang itahimik ang sarili mo.
Mag-isip ng mabuti.
Gumawa ng hakbang na makabubuti sa'yo at sa mga taong nasa paligid mo.
Dahil alam mo namang giginhawa rin ang lahat pagkatapos ng mga pagsubok na iyong dinanas.

At masaya ka na sa piling niya.


Kaya mo ba harapin ang mga pagsubok?
Ang mga sitwasyong dadating?
Kaya mo bang maghintay?
Gaano katagal mo ba kayang maghintay?